Isang Pinay ang nasawi, habang sugatan ang kaniyang mister nang bumangga sa kanilang sasakyan ang isang motorsiklo sa Las Vegas, Nevada, noong Lunes, January 29 (US time).

Kinilala ng Clark County Coroner's office ang biktima na si Maria Estillore, 64-anyos, na agad na nasawi sa pinangyarihan ng insidente.

Isinugod naman sa University Medical Center ang kaniyang mister.

Nasawi rin ang motorcycle driver na si Kenny Chan, 19-anyos, na bumangga sa sasakyan ng mag-asawa.

Ayon sa Las Vegas Metropolitan Police District (LVMPD), pakaliwa ang sasakyan ng mag-asawang Estillore sa Spring Valley Parkway sa Rainbow Boulevard nang bumangga sa kanila ang motorsiklong sinasakyan ni Chan.

Si Maria na nasa passenger seat ng kotse ang matinding tinamaan sa aksidente.

Sa datos mula sa LVMPD, ang mag-asawa ang pang-17 at 18 nasangkot sa traffic-related incident sa Las Vegas metro ngayong 2024. —mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr/FRJ, GMA Integrated News