Inihayag ng Embassy of Israel sa Pilipinas na maraming trabaho ang bubuksan sa kanilang bansa dahil maraming dayuhang manggagawa ang umalis bunga ng nagaganap na digmaan ng Israel at Hamas.
Ngunit ayon kay Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss, nakasalalay sa gobyerno ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa kanilang bansa dahil isinailalim ng bansa sa Alert Level 2 ang Israel.
“We're seeking globally to bring more workers for Israel. And we are offering the same thing also to the Philippines. But it depends on the Philippine government,” sabi ni Fluss sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes.
October 11, 2023, nang ilagay ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 2 ang Israel. Dahil dito, itinigil muna ang pagpapadala doon ng mga Pinoy worker.
Hinihintay pa ng GMA Integrated News ang reaksyon ng DFA at Department of Migrants Workers (DMW) kaugnay sa posibilidad na alisin ang Alert Level 2 para makabiyahe sa Israel ang mga manggagawang Pinoy.
Ayon kay Fluss, gusto ng mga kababayan niyang Israeli ang mga Pinoy caregiver dahil bukod sa marunong mag-Ingles ay itinuturing pang “the kindest people in the world.”
“The sentiment is even stronger. Meaning, even before October 7, Israelis prefer to have as caregivers Filipinos. Israelis very much like Filipinos, you know, English-speaking. Filipinos are the kindest people in the world,” anang opisyal.
Maliban sa mga caregiver, kailangan umano ng Israel ang mga manggagawa para sa hotel, agriculture, at construction industries.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, tinatayang 20,000 trabaho ang bakante sa Israel na malaking tulong sa mga Pinoy.
“Any additional job, especially nabanggit mo [na] 20,000, malaking bahagi iyan na ika nga ay makakaluwag doon po sa mga kababayan natin,” anang kalihim.
Dahil sa giyera ng Israel at Hamas na nagsimula noong October 7, 2023, sinabi ng gobyerno ng Israel na nasa 10,000 foreign workers ang umalis ng kanilang bansa.
Bukod dito, nasa 20,000 Palestinians mula sa Gaza at West Bank ang pinagbawalang magtrabaho sa Israel sa harap ng nagaganap na digmaan, ayon kay Fluss. —FRJ, GMA Integrated News