Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na inaalam ngayon ng embahada ng Pilipinas sa Tokyo ang katotohanan sa report na may isa pang Pilipino na inaresto sa Japan kaugnay sa dalawang bangkay na nadiskubre doon.
Sa panayam ng Bagong Pilipinas Ngayon, sinani ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na wala pa silang impormasyon kaugnay sa naturang pagkakadakip ng isa pang Pinoy.
"Mayroon din lumabas na balita sa Japan, chini-check pa ng Embassy, na may hinuling pangalawang Filipino na nakita rin sa CCTV," ani De Vega.
Una rito, inaresto ang 30-anyos na Pinay na si Hazel Ann Baguisa Morales, dahil sa hinala na iniwan niya ang mag-asawang biktima na sina Norihiro Takahashi, 55, at Kimie, 52.
Nakita ang mga bangkay ng mag-asawa sa isang bahay sa Adachi Ward.
Nilinaw ni De Vega na inaresto lang si Morales dahil sa alegasyon ng pag-iwan sa mag-asawa.
"Huwag natin sabihin na siya ay inaakusahan ng nakapatay. Wala pa tayo doon sa situation na iyon," anang opisyal.
Ayon kay De Vera, may kaparusahan na hanggang tatlong taon na pagkakakulong ang nag-aabandona sa bangkay sa Japan.
Batay sa ulat ng The Japan Times, dating nakaka-date ni Morales ang anak ng mag-asawang biktima, na nasa edad na 30's, at nakatira sa kaniyang mga magulang.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang dahilan ng pagkamatay ng mag-asawa, at kung nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga ito kay Morales.
Bukod kay Morales, nakasaad sa ulat na hinihinala ng mga awtoridad na may isa pang sangkot sa insidente.
Inihayag naman ng Department of Migrant Workers (DMW), na magkakaloob sila ng legal na tulong sa Pinay, kasama ang ibang ahensiya ng pamahalaan.
"We are already geared up to provide legal assistance,” ayon kay DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac.
"We're in coordination with the Japanese authorities that we intend to provide such legal and other forms of assistance to her," dagdag niya.
Tiniyak din ni De Vega na bibigyan ng legal na tulong si Morales kung umabot sa korte ang usapin na kinakaharap nito.
"Handa kaming magbayad ng legal assistance. Kasi wala pa ngayong, hindi pa finaylan [file] ng kaso, 'no? Wala pa sa korte. Pag sa korte at kailangan ng defense lawyer, gastos po iyan ng ating pamahalaan kung kailangan," paliwanag ni De Vega. —FRJ, GMA Integrated News