Isang 36-anyos na Pilipina ang dinakip ng mga pulis dahil sa pamamaril at pagpatay umano sa isang pastor sa North Las Vegas sa Nevada, USA. Nangyari umano ang krimen sa harap mismo ng asawa at dalawang anak ng biktima.

Nasawi sa ospital ang biktimang si Nick Davi, 46-anyos, pastor sa Grace Point Church sa Las Vegas.

Nasugatan din ang asawa ng biktima.

Ayon sa North Las Vegas Police, mayroong hidwaan ang biktima at suspek na humantong sa krimen.

Sa isang video sa Youtube, sinabi ni Ty Neal, isa ring pastor sa Grace Point Church, dati na umanong ginugulo ng suspek ang pamilya ng biktima.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.

Nahaharap naman ang suspek sa mga kasong murder, attempted murder, discharge of firearms, two counts of child abuse.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makakuha ng pahayag mula sa suspek na nakadetine sa Clark County Detention Center.—FRJ, GMA Integrated News