Itinanggi ng Bureau of Customs (BOC) na nagbebenta sila ng mga balikbayan box na hindi nakukuha. Kasabay nito, magsasagawa sila ng imbestigasyon kaugnay sa umano'y bentahan online ng mga unclaimed balikbayan box.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing may makikitang Facebook post ng mga unclaimed balikbayan box na ibinebenta sa halagang P5,000.
Naging viral din umano ang video ng isang content creator na sinasabing nakabili ng balikbayan box na hindi kinuha sa halagang P5,000.
Pero nilinaw ni BOC spokesperson Michael Fermin na hindi sila nagbebenta ng mga balikbayan box na hindi nakukuha.
“Iniimbestigahan natin kung saan yung source at anong balikbayan boxes ang ibinebenta online,” anang opisyal.
Inamin naman ng ilang cargo companies na ibinebenta nila online ang mga unclaimed package na nakatengga sa mga bodega ng mahigit isang taon.
“We have spent money to mobilize the cargo from their homes, okay? And shipping it all the way and sending it to there and keeping it in safe and secure custody with us,” paliwanag ni Golden Express International Cargo CEO George Matthew. “So at least let us cover a small part of the freight.”
Masama naman ang loob ng mga overseas Filipino worker (OFW) na hindi nakararating sa kanilang mga kaanak ang pinaghirapan nilang balikbayan box.
Isang OFW ang nagsabi na nawala ang kaniyang balikbayan box at sinabihan umano siya ng nakausap sa BOC na magbabayad siya ng P18,000 hanggang P20,000 kapag nakita.
Pero itinanggi ni Fermin ang naturang kalakaran para sa paghahanap ng balikbayan box.
“Kailanman po ay hindi tayo nag-demand ng babayaran para lang makuha nila ang kahon. Kung mapapatunayan po natin yan we will make sure po that we will file administrative cases and we will suspend or terminate itong empelyado na ito,” ayon kay Fermin.
Maglalabas umano ang BOC ng listahan ng mga accredited consolidators at forwarding companies para magabayan ang mga OFW kung saan sila dapat magpadala ng balikbayan boxes para hindi mabiktima ng mga nagsasamantala.— FRJ, GMA Integrated News