Pagkaraan ng anim na taon, natupad na ang hiling ni Overseas Filipino worker (OFW) Jimmy Pacheco na makauwi sa Pilipinas at makapagdiriwang ng Pasko na kasama ang kaniyang pamilya.

Kabilang si Pacheco sa mga OFW sa Israel na binihag ng grupong Hamas at pinalaya kinalaunan matapos ang negosasyon.

Nitong Lunes, dumating na si Pachero sa Pilipinas, at masaya siyang sinalubong ng kaniyang pamilya sa airport, ayon kay GMA Integrated News reporter Sandra Aguinaldo.

Sa press conference, sinabi ni Pacheco na unang pagkakataon niyang makapagpapasko muli sa Pilipinas mula nang magtrabaho siya sa Israel.

“Sa Paskong ito masayang-masaya at ito iyong unang Pasko na mangyayari sa amin na magsama-sama since nag-OFW ako,” saad niya.

Bagaman nangako ang pamahalaan ng Pilipinas at Israel na tutulungan ang pamilya ni Pacheco matapos ang nangyari sa kaniya, nais pa rin ng 33-anyos na Pinoy caregiver na bumalik at patuloy na magtatrabaho sa Israel.

“Gaya ng sinabi ko po sa asawa ko, babalik po ako ng Israel dahil para ma-secure ko po kahit ganoon iyong nakaraan ko, maibigay ko lang iyong gusto kong gawin sa kanila. Kasi ganun naman dapat iyong magulang,” ani Pacheco.


“At saka ayaw ko pong maranasan nila iyong paghihirap ko simula bata hanggang ngayon na naghihirap pa rin, ayaw ko pong iparanas sa kanila kaya babalik po,” patungkol niya sa kaniyang mga anak.

Nangako ang Philippine government ng livelihood at scholarship assistance sa pamiya ni Pacheco, habang lifetime benefits naman ang pangako ng Israel sa OFW.

Kasama si Pacheco sa grupo ng mga bihag ng Hamas na pinalaya noong November 24, matapos umiral ang ceasefire bunga ng negasasyon ng Israeli forces at Hamas.

Dinukot ng Hamas ang nasa 200 katao, na kinabibilangan ng mga dayuhan, nang sumalakay sila sa Israel mula sa Gaza Strip noong October 7.

Nasa mahigit 1,000 ang nasawi sa naturang pag-atake, kabilang ang apat na OFWs.—FRJ, GMA Integrated News