Nakauwi na sa Pilipinas ang unang grupo ng mga Pilipino na inilikas mula sa Gaza, na sentro ng operasyon ng militar ng Israel para tugisin ang Hamas group.
Sa ulat ni Rod Vega sa Super Radyo dzBB, sinabing 34 Pinoy at isang Palestinian national ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kanina na sakay ng Qatar Airways flight QR932.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, na bahagi sila ng 40 Pilipino na nakatawid sa Gaza-Egypt border ngayong linggo.
Ayon pa kay De Vega, anim na Pilipino ang nananatili pa sa Cairo, Egypt, kung saan tatlo sa kanila ang nakapag-asawa ng Egyptian citizens, at tatlo naman ang buntis.
Ang mga umuwi ay makatatanggap umano ng tulong mula sa DFA, Overseas Workers Welfare Administration, at Department of Social Welfare and Development.
Kaugnay nito, may 14 na Pilipino naman ang hindi tumuloy na tumawid sa Egypt dahil hindi nabigyan ng security clearance ang kanilang mga asawa na Palestino.
"Our embassy officials are convincing these 14 not to remain behind in Gaza and to join the rest of the Filipinos who will leave in the next batch," ayon sa DFA.—FRJ, GMA Integrated News