Mistulang ghost town ang lugar ng Kan Yunis sa Gaza na kinaroroonan ng pamilya ng isang Pinay na lola. Wala silang kuryente at walang transportasyon, at malapit nang maubos ang kanilang pagkain.
"Ako si Revelina Cargolio po. Nandito po sa Gaza, dito sa Khan Yunis po. Ito po nakikita niyo naman po, wala kaming sasakyan, wala kaming kuryente, walang mabiling pagkain," saad niya sa video na iniulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules.
Nangangamba si Cargolio na maubos na ang nakatabing pagkain ng pamilya.
“Meron naman akong tindahan na maliit na tindahan ang kaso po wala nang laman. Baka maubos na ito. Hindi ko alam saan po kami kukuha ng makakain po," patuloy niya.
Kasama dapat si Cargolio, at kaniyang anak na babae, at apo na makakaalis ng Gaza, at tatawid sa Egypt nitong Martes ng gabi. Pero hindi sila tumuloy dahil hindi niya maiwanan ang isa niyang anak na lalaki na may Down Syndrome.
Ayaw umanong umalis ng kaniyang anak na lalaki kung hindi nila kasama ang asawa nitong Palestinian.
Nang magpalista sila para makatawid sa Egypt, hindi pa malinaw kung papayagan na makaalis ng Gaza ang mga Palestino na asawa ng mga Pilipino.
"Nagdadalawang isip ako po na iiwanan ko ang aking anak na lalaki, na ako isa-save ko yung sarili ko, maiiwan ang aking anak. Kaya hindi ko maaatim," sabi ni Cargolio.
Huli na nang malaman nila ang abiso na papayagan na ring makaalis ng Gaza ang mga asawa na Palestinian.
Kahit naipaabot na ng GMA Integrated News ang kanilang kahilingan sa Philippine embassy na makasama sila sa susunod na grupo ng mga ililikas mula sa Gaza, ang problema naman ngayon nina Cargolio ay kung ano ang sasakyan nila papunta sa Rafah border crossing na ilang kilometro ang layo sa Khan Yunis.
Nangangamba rin sila ngayon sa kanilang kaligtasan dahil walang bomb shelter sa kanilang kinaroroonan.
"Kung halimbawa malakas ang pasabog sa amin po, yung mga salamin titilapon po sa amin at matatamaan po kami," saad niya.
“Here we have a bad situation, (there are) bombs and very near," sabi ni Nadeen Naji Cargolio Alabdla, ang Palestinian daughter-in-law niya.
Higit sa pagkain, hinihiling ni Cargolio na ipagdasal sila na makaligtas sa digmaan.
“Ang hinihiling ko po ipag-pray niyo po na maka-survive po kami sa kaguluhan," pakiusap ng lola. —FRJ, GMA Integrated News