Nais pa ring manatili ng Pinay caregiver sa Israel na nakaligtas sa pag-atake ng militanteng Hamas kasama ang kaniyang inaalagaang Israeli. Paliwanag niya, "Bakit ko pa siya iniligtas kung iiwan ko lang din po siya dito.”
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, emosyonal na ikinuwento ni Monica Biboso ang araw nang umatake ang Hamas sa kanilang lugar sa Kibbutz Be'eri, Southern Israel.
Nakapagtago sina Biboso at ang kaniyang alaga sa bomb shelter pero nadidinig nila ang pagpipilit ng Hamas na mapasok sila.
"Ilang beses silang nag-attempt na buksan [ang pinto]. Sabi ko, 'Diyos ko! Diyos ko! 'Wag po," umiiyak na sabi ni Biboso.
Nang hindi mapasok ang kanilang kinalalagyan, sinunog ng Hamas ang kanilang bahay pero nakaligtas sila.
Tuluyang nasagip sina Biboso at ang kaniyang alaga nang dumating na ang mga sundalong Israeli.
Sa kabila ng nangyari, nais pa rin ni Biboso na manatili sa Israel kasama ang kaniyang alaga.
“Hindi ko rin po siya kayang iwan. Parang masakit na bakit ko pa siya iniligtas kung iiwan ko lang din po siya dito,” saad niya.
Sumasailalim siya ngayon sa psychiatric at psychological treatment dahil na rin sa nangyari.
Apat na Pinoy ang kumpirmadong nasawi sa naturang pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, habang may dalawa pang nawawala.
Ayon kay Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega, hinihinala ng Israel na may isang Pinoy na bihag pa rin ng Hamas. --FRJ/KG, GMA Integrated News