Nagbago umano ng isip ang ilang Pinoy na nasa Gaza at hindi na tatawid sa Egypt mula sa Rafah border matapos na malaman na hindi nila puwedeng isama ang kanilang mga asawa o kamag-anak na Palestino.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, 46 na Pilipino na lamang ang nagpahayag ng kagustuhan na makaalis ng Gaza, na lugar ngayon ng pag-atake ng Israel para tugisin ang militanteng grupong Hamas.
Sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na 115 Pinoy ang unang nagpahayag ng kagustuhan na makaalis ng Gaza. Pero umatras umano ang ilan sa mga ito nang malaman nila na walang Palestino na papayagan na makatawid sa Egypt.
“So far, hindi pa marami ang gustong tumawid. Dati marami ngayon kaunti na lang, mga 46 lang ang gustong tumawid,” pahayag ng opisyal sa panayam ng Super Radyo dzBB.
Una rito, sinabi ng DFA na nakatanggap na ang Philippine government ng abiso mula sa kanilang Israeli counterpart na pinapayagan na ang 136 Pilipino na nasa Gaza na makatawid sa Egypt.
Dalawang doktor na Pinoy na ang naunang nakalabas ng Gaza.
Umaasa si De Vega na madadagdagan ang mga Pinoy na lalabas ng Gaza kapag natuloy nang makarating sa Egypt ang unang grupong aalis sa Linggo.
“Dadami na ‘yan kapag nakalusot na ang unang groups — dalawang batch — ngayon 20, maaaring bukas 26. After that, merong madagdagan ‘yan kasi matatauhan [sila] dahil mahirap ang buhay sa Gaza, kulang pa ng food and water supply,” anang opisyal.—FRJ, GMA Integrated News