Inihayag ng Department of Foreign Affairs na papayagan na ang 134 Pilipino na nasa Gaza na makatawid sa Egypt mula sa Rafah Crossing.
Sa isang forum sa Quezon City nitong Sabado, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na ang first batch ng 20 Pilipino ay tatawid bukas, Linggo.
“Then afterwards it could be the next day or next two days, a batch of 23… so far only 43 now of the Filipinos have signified that they definitely want to leave Gaza,” ani de Vega.
Ang mga Pinoy na tatawid sa border patungong Egypt ay dadalhin sa embahada ng Pilipinas sa Cairo pero kailangan din nilang makaalis sa loob ng 72 oras dahil transit visa lang ang ibinigay sa kanila.
Ayon sa opisyal, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa kanilang counterpart sa Israeli na may pahintulot na para sa 136 Pinoy sa Gaza na tumawid sa Egypt.
May nauna nang dalawang Pilipino doktor na nakalabas sa border.
Una rito, sinabi ni De Vega na nasa 7,000 foreign nationals ang pinayagan na gamitin ang Rafah Crossing para makaalis ng Gaza, na sentro ngayon ng operasyong militar ng Israel para tugisin ang militanteng grupong Hamas.
Nasa 500 hanggang 600 na foreign nationals lang ang pinapayagan na makalabas ng border bawat araw para maging maayos ang proseso.
Hindi umano kasamang pinayagan na makalabas ng Gaza ang mga Palestinian national na kamag-anak o asawa ng mga Pilipino.
“No spouses are going to accompany them (Filipinos),” anang opisyal, “they have no clearance to leave Gaza.”
Sinabi rin ni Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss sa naunang pahayag na gagawin ng kanilang pamahalaan ang lahat para matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa paglabas ng Gaza Strip.
"We will do everything we can in order to facilitate the safe exit of the Filipinos from Gaza," ani Fluss, na ganoon din umano ang gagawin para sa mga Pinoy na naninirahan sa Israel.
"Let me also say that we are doing everything we can in our hands, of course, to make sure for the safety of the Filipinos that are living in Israel," ayon sa embahador.
Apat na Pilipino ang kabilang sa mga nasawi sa ginawang pag-atake ng Hamas sa Israel.-- FRJ, GMA Integrated News