Naiuwi na sa Pilipinas ang mga labi ng overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa Israel makaraang pagbabarilin sila ng kaniyang matandang pasyente ng teroristang grupong Hamas na pumasok sa kanilang bahay noong October 7.

Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabing dumating ang mga labi ng 33-anyos na nurse na si Angelyn Aguirre sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dakong 3 p.m. sakay ng Etihad Airways Flight EY 424.

 

 

Ayon sa mga opsiyal ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ihahatid ang kaniyang mga labi sa Pangasinan.

Nauna nang nakauwi ang kapatid ni Angelyn na si Angenica, na isa ring OFW sa Israel.

BASAHIN: Kapatid ni Angelyn na OFW din sa Israel, nakauwi na; malungkot na 'di na buo ang kanilang pamilya

Hiniling ni Angenica na maiuwi na rin sana ang mga labi ng kaniyang kapatid para makita na nila si Angelyn at makapagluksa sila.

“Ang hiling ko ngayon is ‘yung maipauwi ang katawan ng kapatid ko para makapagluksa na kami nang maayos, makita na rin po namin siya," saad niya.

Huling nagkita at nagkasama ang magkapatid noong September 30 sa Tel Aviv. Isang linggo matapos nito, sinalakay ng Hamas ang Israel at pinatay si Angelyn at ang kaniyang amo sa kanilang bahay.

"October 7, sa kasagsagan ng giyera, 9:30 a.m., magkausap kasi ‘yung amo ng kapatid ko at anak niya sa cellphone. May sinabi ang nanay niya na ‘animeta’ na mamamatay ako… andito na sila… andito na sila…,‘" ayon kay Angelica.

Nang araw na iyon, nagpalitan pa umano sila ng mensahe ng kaniyang kapatid hanggang sa hindi na ito nakasagot sa kaniya.

Una rito, sinabi ni OWWA Administrator Arnell Ignacio na bibigyan ng hero’s welcome si Angelyn, na piniling manatili kasama ang kaniyang pasyente sa bomb shelter kung saan sila pinasok ng Hamas at pinagbabaril.

Bukod kay Angelyn, tatlong iba pang Pinoy ang nasawi sa ginawang pag-atake ng Hamas: sina Loreta Alacre, 49; Paul Vincent Castelvi, at Grace Prodigo Cabrera.

Inaasahan na darating sa bansa ang mga labi ni Cabrera sa Linggo, November 5.

Nauna nang naiuwi ang mga labi ni Alacre, habang na-crimate na ang mga labi ni Castelvi. — FRJ, GMA Integrated News