Ilang OFWs pa na umiwas sa giyera ng Israel at Hamas ang dumating na sa Pilipinas. Pero ang ilan sa kanila, nakitang sira ang bagahe at may mga nawalan ng mga gamit.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing may mga OFW na nawalan ng mga sapatos, chocolates, susi at iba pang bagay.
Ang isang babae, buong maleta niya ang nawawala.
Galing sa Tel Aviv, Israel ang mga OFW na nagkaroon ng stopover sa Abu Dhabi bago bumiyaheng pa-Manila.
Nangako naman ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tutulungan ang mga OFW na maghain ng reklamo laban sa airline.
Sinusubukan naman ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ng airline. — FRJ, GMA Integrated News