Pangmatagalang tulong ang ipinangako ng Israel sa pamilya ng apat na Pilipino na nasawi sa ginawang pag-atake ng militanteng grupong Hamas.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing ang pangako ay ipinaabot sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng Israel Embassy sa Pilipinas.
"Sila ay treated like an Israeli citizen, so kung ano 'yung benepisyo na nakukuha ng isang Israeli citizen, gan'un din ang ibibigay sa kanila," ayon kay OWWA administrator Arnell Ignacio.
Ang apat na Pinoy na nasawi sa Israel ay sina Grace Prodigo Cabrera, Loreta Alacre, Angeline Aguirre, at Paul Vincent Castelvi.
Bukod sa tulong sa pagpapalibing, makatatanggap umano ang pamilya ng apat na nasawing Pinoy ng monthly support at yearly cash benefits.
Una nang sinabi ng Israeli Embassy na tutulungan din ng kanilang bansa ang mga Filipino na nasugatan sa nangyaring karahasan ng Hamas.
Kinumpirma ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss, ang pagkakaloob ng tulong sa mga dayuhan na naging biktima ng karahasan sa kanilang bansa, kabilang ang Pilipino.
"We recognize them as victims of terrorism and for that then they will be receiving assistance, either the parents, spouses or children accordingly," sabi ni Fluss sa ulat ng Unang Balita.
"Financial assistance, their monthly income. If they need assistance in education, in healthcare, housing... as long as they are in Israel and documented," dagdag niya.—FRJ, GMA Integrated News