Labis na nagdadalamhati ang mga kamag-anak sa Iloilo ng caregiver na si Grace Prodigo Cabrera, ang ika-apat na Pilipino na nasawi sa ginawang pag-atake ng militanteng Hamas group sa Israel.
Sa ulat ni Zen Quilantang ng GMA Regional TV One Western Visayas, sinabi ng mga kaanak ni Grace sa Maasin, Iloilo na nakipag-ugnayan sa kanila ang Overseas Workers Welfare Administration at Philippine Embassy sa Israel, para ipaalam ang nangyari sa kaniya.
Kabilang si Grace sa naunang tatlong Pilipino na nawawala pa matapos salakayin ng Hamas ang Israel noong Oktubre 7, mula sa Gaza.
Lumalabas na pinasok ng Hamas ang bahay ng amo ni Grace at tinangay siya, kasama ang tatlo pang kaanak ng kaniyang amo.
Nakumpirma ang bangkay ni Grace sa pamamagitan umano ng fingerprint. Pero hindi pa alam ng pamilya kung ano ang sanhi ng pagkamatay ni Grace at paano ito natagpuan.
Ayon kay Mae Minirva, mapagmahal at napaka-family oriented ng kaniyang kapatid.
Malungkot man ang naging wakas sa paghahanap kay Grace, wala nang ibang hangad ngayon ang kaniyang ina na si Paterna, kung hindi ang maiuwi na sana kaagad ang mga labi ng kaniyang anak.
Naghihintay din sila ng iba pang impormasyon na manggaling sa isa pang kapatid ni Grace na nasa Israel din.
“Ang OWWA ang nagsabi na nag-match ang kaniyang fingerprints kaya ikaklaro pa yun ng kapatid niya. Pupuntahan kung saan man 'yon," ani Paterna.
"Siyempre masamang isipin na bilang ina na 'yon na-confirm pero nagpapasalamat ako na nag-match ang fingerprints kasi gusto ko na maiuwi na,” dagdag pa ng ina na umaasang matulungan sana sila.
Bukod kay Grace, ang tatlo pang Pilipino na nasawi sa ginawang pagsalakay ng Hamas ay ang mga caregiver din na sina Loreta Alacre at Paul Vincent Castelvi, at si Angeline Aguirre, na isang nurse. —FRJ, GMA Integrated News