Natagpuang patay sa loob ng aparador sa basement ng bahay ng kaniyang amo sa Jordan ang isang Pinay caregiver. Ang suspek sa krimen, menor de edad na anak na katrabaho ng biktima.

Sa ulat ni CJ Torrida ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Mary Grace Santos, tubong Macabebe, Pampanga.

Ayon kay Veronica, kapatid ni Mary Grace, walong taon nang nagtatrabaho sa Jordan ng kaniyang ate para matustusan ang dalawa nitong anak, kabilang ang isang may congenital heart disease.

Nitong Oktubre 11, nakatanggap umano sina Veronica ng impormasyon na nawawala si Mary Grace. Kaya naman nakipag-ugnayan ang pamilya sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at doon na nila nalaman na nakita ang bangkay ng biktima sa aparador na nasa basement ng pinagtatabahuhan nito sa Jordan.

Batay umano sa police report sa Jordan, pinagsamantalahan at sinakal hanggang sa mamatay ang biktima.

Ayon kay Veronica, matagal na umanong may gusto sa kaniyang kapatid ang naturang suspek, na anak ng hardinero sa bahay.

Nang mangyari ang krimen, sinasabing hindi nakapasok sa trabaho ang tatay na hardinero at pansamantalang pumalit ang suspek kaya ito nasa bahay ng amo ng biktima.

Ibinalita naman kina Veronica ng mga kasamahan ng kaniyang ate na inaresto na ng mga awtoridad sa Jordan ang suspek.

Inaasahan naman ng OWWA na maiuuwi na sa Sabado ang mga labi ni Mary Grace.--FRJ, GMA Integrated News