Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ngayong Huwebes na apat na Pilipino na ang nasawi sa ginawang pagsalakay ng militanteng grupong Hamas sa Israel.
Gayunman, hindi sinabi ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo ang pangalan ng ika-apat na biktima dahil na rin sa kahilingan ng pamilya.
"Out of respect for the wishes of the family, we shall be withholding details on the identity of the victim. But we have assured the family of the Government’s full support and assistance," sabi ni Manalo sa post sa X (dating Twitter).
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni DFA Undersecretary Ed de Vega, na ang ika-apat na nasawing Pilipino sa Israel ay isang caregiver.
Isa umano siya sa tatlong Pinoy na iniulat na nawawala nang umatake ang Hamas noong Oktubre 7 mula sa Gaza.
Ang tatlo pang Pinoy na nasawi sa pag-atake ng Hamas ay sina Angeline Aguirre, isang nurse, at Paul Vincent Castelvi, isang caregiver, at Loreta Alacre, na caregiver din.
Nasa 30,000 Pinoy ang nagtatrabaho sa Israel na karamihan ay mga caregiver at nurse. Tinatayang 135 na Pilipino ang pinaniniwalaang naiipit sa Gaza Strip na kontrolado ng Hamas.
Nauna nang sinabi ni De Vega, na may 70 haggang 80 Pinoy na nakapag-asawa ng Palestino ang humihingi ng tulong na mailikas sila.
Gayunman, wala pang magawa sa ngayon ang pamahalaan para makuha ang mga Pinoy sa Gaza dahil sarado pa rin ang Rafah border sa bahagi ng Egypt.
“We are hoping that corridor will be opened so that foreign nationals would be able to cross as soon as possible,” saad ni De Vega sa press conference nitong Miyerkules.
“We are ready. Our embassy in Cairo is ready," dagdag ng opisyal. —FRJ, GMA Integrated News