Sa kabila ng nagaganap na digmaan, hindi kaagad makapagdesisyon ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel kung uuwi na sila sa Pilipinas dahil nag-aalala sila sa separation pay na maaaring hindi nila makuha kung aalis sila ng bansa.
Sa panayam ng GMA News "Unang Balita," sinabi ni Abegail Villanueva, caregiver sa Israel, na gusto na rin niyang umuwi sa Pilipinas pero nais muna niyang asikasuhan ang separation pay na posible niyang matanggap.
“Gusto ko pong umuwi na kaya lang kasi iyong mga caregivers po dito, may tinatawag po kaming separation pay,” saad niya. “Kailangan po naming ayusin po iyon bago po kami umuwi. Kaya hindi po kami makapag-decide nang maayos kasi may inaasahan po kaming separation pay na makukuha.”
Ang naturang separation pay ay katumbas ng tagal ng kanilang pagtatrabaho doon.
Aminado si Villanueva na nakaranas siya ng matinding takot dahil sa nangyayaring kaguluhan sa Israel na nagsimula nang umatake ang militanteng grupong Hamas.
“Nato-trauma na po ako. Gabi-gabi pong hindi ako nakakatulog,” pahayag niya.
Inilikas si Villanueva matapos atakihin ng Hamas ang police station na malapit sa kanilang lugar. Binomba umano ng mga sundalo ng Israeli ang police station na kinubkob ng Hamas.
Pagtiyak ni Villanueva, ligtas at maayos ang kaniyang kalagayan matapos silang lumikas.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), mayroong 22 Pinoy sa Israel ang nagpapatulong para makauwi sa Pilipinas. Nitong Lunes, may walong Pinoy ang nakaalis na ng Israel.
Nakataas ang Alert Level 2 sa Israel, at hindi muna pinapayagan ang magpadala ng mga OFW.
Tatlong Filipino ang kumpirmadong nasawi sa ginawang pag-atake ng Hamas, at mayroon pang hindi makontak.
Sa Gaza, sinabi ng DFA na mayroon 92 Filipino ang naghihintay na magbukas ang Rafah Border Crossing para makatawid patungong Egypt.
Inuutos ang mandatory evacuation ng mga Pinoy sa Gaza na nasa ilalim ng Alert Level 4.
Inaasahan na sasalakayin ng Israeli soldiers ang Gaza na pinagkukutaan ng Hamas, at hinihinalang kinaroroonan din ng ilang hinostage ng militanteng grupo. —FRJ, GMA Integrated News