Labis na paghanga ang isang lokal na opisyal sa Jerusalem sa kadakilaan ng Pinay nurse na kabilang sa mga nasawi sa pag-atake ng militanteng grupong Hamas sa Israel. Kahit may pagkakataong tumakas ang Pinay, hindi nito ginawa, at sa halip ay sinamahan ang kaniyang matandang pasyente na kasama niyang nasawi matapos silang pagbababarilin.
 
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Jerusalem Deputy Mayor Fleur Hassan Nahoum, na nagpakita ng "unimaginable honor in the face of evil" si Angeline Aguirre.

Nasawi si Aguirre at ang kaniyang pasyente matapos puwesahang mapasok ng Hamas ang pinagtaguan nilang bomb shelter at doon sila pinagbabaril.

Isa si Aguirre sa dalawang Filipino na kumpirmadong nasawi sa ginawang pagsalakay ng Hamas sa Israel noong Sabado.

"Despite having a chance to flee the Hamas terror attacks, Angeline showed unbelievable humanity and loyalty by remaining Nira's side during the violence, resulting in both of them being brutally murdered by Hamas," ayon kay Nahoum.

Tubong Binmaley, Pangasinan si Aguirre na napag-alaman na kakakasal lang sa Pilipinas noong nakaraang buwan. Isang linggo lang nanatili sa bansa si Aguirre at bumalik na rin agad sa Israel para magtrabaho.

"Napakasakit. Di ko matanggap. Kahit na sinong magulang, hindi niya matatanggap na mawawalan sya ng anak,” sabi ng ina ni Aguirre na si Erlinda.

“Ang gusto kong mangyari ay maiuwi agad ang anak ko," pakiusap niya.

Ayon kay Erlinda, nakausap pa niya ang anak noong October 6 na nagpahayag ng pagkabahala sa kaguluhan sa Israel.

Isang araw matapos nito, nangyari na ang pagsalakay ng Hamas. Nalaman ng pamilya ang malungkot na sinapit ni Aguirre mula sa isa pang anak ni Erlinda na nasa Israel din.

Nakikipag-ugnayan na umano ang lokal na pamahalaan, maging ang Overseas Workers Welfare Administration sa pamilya ni Aguirre kaugnay sa mga tulong na kanilang kakailanganin.

Umaasa rin ang mister ni Aguirre na maiuwi na sana kaagad ang mga labi ng kaniyang kabiyak.—FRJ, GMA Integrated News