Nangangamba ang mga kaanak ng isang overseas Filipino workers (OFW) sa Israel dahil hindi na nila ito makontak matapos na sumalakay doon ang militanteng grupo na Hamas.
Sa ulat ni Aileen Pedreso ng GMA Regional TV One Western Visayas, sinabing pumunta sa satellite office ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Bacolod City ang mga kamag-anak ng OFW na si Loreta Alacre, 49-anyos, na tubong Cadiz City, Negros Occidental.
BASAHIN: Huling text sa asawa ng OFW na nawawala sa Israel: 'Ingatan mo yung mga anak natin'
Nangangamba sila sa sitwasyon ni Alacre nang malaman nila na nagtungo ito sa music festival sa Southern Israel, na kabilang sa mga lugar na inatake ng Hamas.
BASAHIN: Pinay caregiver sa Israel, nakita kung paano namatay sa pamamaril ng Hamas group ang kaniyang amo
Bukod sa ginawang pagmasaker umano doon ng Hamas, ilang tao rin ang kanilang tinangay.
Ayon sa kaniyang mga kaanak, sumama si Alacre sa ilang kapuwa niya Pilipino para dumalo sa nasabing music festival dahil wala itong trabaho noong Biyernes.
Ngunit ikinuwento umano ng isang kasamahan ni Alacre na nakaligtas na bigla na lamang dumating ang mga lalaking armado sa lugar at nag-umpisang magpaputok ng baril.
“Ang last na kuwento ng friend niya na naka-survive, sa labas daw ay may mga nagpaputok. Natulala umano siya. Ang mga kasamahan niya nakatakas. Ang last raw ay nabihag siya ng Hamas,” sabi ni Edchell Alacre Sabanal.
Sinabi naman ni Labor Communication Officer Aldia Grace Buñi ng OWWA-VI, na wala silang posisyon na ideklarang "missing"si Alacre.
“We just received a notification from her family last October 9, Monday. Then we have endorsed it sa ating welfare officer sa Israel,” paliwanag ni Buñi ng OWWA-VI.
Patuloy naman na umaasa ang pamilya ng Alacre na buhay siya at nasa mabuting kalagayan.
Una rito, kinumpirma ng pamahalaan ng Pilipinas na dalawang Pilipino ang kumpirmadong nasawi sa ginawang pag-atake ng Hamas, at may kinukumpirma pang isa. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News