Isang Filipino ang iniulat na kabilang sa mga tinangay ng grupong Hamas kaugnay sa ginawang pagsalakay nito sa Israel, habang limang iba pa ang iniulat na nawawala, ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Lunes.
Batay sa ulat mula sa Philippine embassy sa Tel Aviv, isang Filipina ang nakipag-ugnayan sa Filipino diplomats at sinabing, "she recognized her husband in one of the videos circulating in social media, which shows a man being held by armed individuals, and most likely brought to Gaza."
"Post urgently relayed this to the Israel military authorities. Post cannot independently verify his identity based on the video alone but considers the report of the wife as important. We are also working with community contacts on his case," ayon sa DFA.
Sa kabuuan, anim na Filipino, kabilang ang hinihinalang dinukot ng Hamas, ang "unaccounted" at hindi sila makontak sa kanilang mobile number at social media accounts.
Sa panayam ng mga mamamahyag, sinabi ni Anthony Mandap, Philippine embassy Deputy Chief of Mission, na pawang mga overseas Filipino worker (OFW) ang anim.
Tinatayang mayroong 30,000 Filipinos sa Israel na karamihan ay mga caregiver.
Para sa kanilang kaligtasan, pinapayuhan ang mga Pinoy sa Israel na manatili sa kanilang mga bahay at sumunod sa iniuutos ng mga awtoridad doon.
Makaraan ang sopresang pag-atake ng Hamas nitong Sabado sa Israel, may 20 Filipino na ang nakipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas para kunin sila at ilipat sa mas ligtas na lugar.
Isang Pinoy ang ginagamot sa ospital sa Be’ersheva matapos masugatan sa isinagawang rescue operation.
Isang Filipino rin ang ginagamot matapos makalanghap ng usok sa Tel Aviv.
Tinatayang na 1,100 tao na ang nasawi nang salakayin ng Hamas mula sa Gaza ang Israel at inatake ang ilang bayan. Marami sa mga biktima ay mga sibilyan.
"The embassy is working non-stop with Israeli security authorities and community contacts to ascertain their condition. We continue to await feedback from them," ayon sa DFA.—FRJ, GMA Integrated News