Nakaramdam ng matinding takot ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel sa ginawang pag-atake ng grupong Hamas laban sa liderato ng nasabing bansa na sa unang nagpapakataon at nagpakawala ng napakaraming rockets at sinabayan ng pagsalakay sa ilang bayan.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, apat na Filipino hotel employees sa Tel Aviv ang tumakbo para magpunta sa bomb shelter nang madinig ang rockets at air-raid sirens.
Bago tumunog ang sirena, ikinukuwento nina Rica, Queenie, Rosi, at Yham ang naranasan nila noong Sabado ng madaling araw dahil sa sunod-sunod na pagtunog ng sirena na hudyat na may rocket na pinakawalan ang Hamas.
Habang nagmamadaling pumunta sa bomb shelter, napapasigaw sila kapag nakadinig ng pagsabog.
Sa kabila nito, prayoridad pa rin nila ang mga guest ng hotel na kanilang pinapasukan para isama at alalayan sa pagpunta sa shelter.
"Priority po namin na kunin yung mga guest," saad ng isang OFW.
Ayon sa kanila, iba ang tindi ng pag-atake ngayon na nangyari sa Israel kumpara noon.
Ang mga pagsabog, dama raw nila.
"Mararamdaman mo talaga, matindi nagbi-vibrate siya, nagba-vibrate talaga po, talagang boom! Mararamdaman mo po...at saka sunod-sunod po siya sir," kuwento nila.
Pakiusap ng isa sa kanila, “Sana kung mabalitaan man 'to ng mga pamilya namin sa Pilipinas... sana ipagdasal kami."
"Nagtatrabaho kami para sa kanila pero 'pag dumarating na po talaga yung ganitong sakuna hindi na namin alam kung anong gagawin e," dagdag nila.
Si Christine, isang caregiver naman sa Israel, ikinuwento rin ang tindi ng mga naramdamang pagsabog.
"Napakalakas tapos naba-vibrate sa mga pader kahit nasa stairs kayo, as in talaga yung nginig mo. Nakakatakot po talaga," saad niya.
Kung hindi raw kaagad titigil ang kaguluhan, bago umuwi muna ng bansa si Christine.
Dahil sa nangyaring pag-atake ng Hamas, nagdeklara ang pamahalaan ng Israel ng state of war alert.
Pansamantalang isinara ang Philippine Embassy sa Tel Aviv pero maaari pa rin silang makontak sa emergency number +972-54-4661188, at 24/7 hotline number 054-4661188, assistance to nationals number 050-9114017, at email address na telaviv.pe@dfa.gov.ph
Ang Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration, nagbukas din ng 24/7 hotlines para sa mga OFW sa Israel at kanilang pamilya:
landline:
+63 2 1348
Viber and WhatsApp:
+63 908 326 8344
+63 927 147 8186
+63 920 517 1059
"I-report ninyo kung mayroon kayong kamag-anak na nawawala or alam niyong nasa southern region. Kung kailangan niyong umuwi, tutulungan namin kayong umuwi," sabi ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega sa hiwalay na ulat.
Ayon sa population and immigration authority ng Israel, tinatayang nasa 30,000 ang mga Filipino na nagtatrabaho at naninirahan sa Israel.— FRJ, GMA Integrated News