Patay ang isang overseas Filipino worker, habang sugatan ang lima niyang kasamahan nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang kotse sa Kingdom of Saudi Arabia.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing nagbabakasyon ang mga OFW sa kabundukan ng Al Bahah nang mangyari ang trahediya noong June 28.
May lalim umano na 150 meter ang naturang bangin at tumilapon palabas ng sasakyan ang isang OFW.
Pumanaw ang OFW noong Huwebes matapos maratay ng ilang araw sa ICU.
Nakikipag-ugnayan na ang Migrant Workers Office sa mga awtoridad sa KSA para maiuwi sa Pilipinas ang mga labi ng OFW.
"Na-interview natin yung driver, sabi niya biglaan na lang daw may kumalabog... Dun sa 10th tunnel, dun nagkaroon ng aksidente," sabi ni MWO labor attache Roel Martin.
"Kasi may harang naman, pero sa kasawiang-palad, na-shoot sila sa walang harang," dagdag niya.
Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang drayber ng kotse kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon. —FRJ, GMA Integrated News