Tinutulungan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga apektadong overseas Filipino workers (OFWs) na hindi natuloy ang pagbiyahe sa Kuwait matapos suspindehin ang entry at work visa ng mga Pinoy workers sa nasabing bansa sa Gitnang Silangan.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng DMW na nagkakaloob sila ng P30,000 sa mga apektadong OFWs.
Pero hindi maalis sa ilang OFWs na mangamba sa kanilang sitwasyon, tulad ng mga umalis sa kanilang trabaho sa pag-aakalang matutuloy ang trabaho nila sa Kuwait.
“Nag-resign ako sa work ko dahil sa akala namin na nakakaalis na kami, and then, hindi naman namin inexpect then. Wala din naman kami masisi kasi hindi naman kasalanan ng gobyerno natin,” anang OFW na si Roy.
Nagtungo kamakailan ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs at DMW sa Kuwait para ipaliwanag ang kahalagahan ng "kanlungan" o shelters para sa mga tumatakas na OFWs mula sa malulupit na amo.
Nauna nang iniulat na isa umano sa inirereklamo ng pamahalaan ng Kuwait ang pagkakaroon ng shelter na pinapamahalaan ng embahada ng Pilipinas doon.
Sa kabila nito, nanindigan ang mga opisyal ng Pilipinas na naaayon sa international law ang pagkakaroon ng shelter para sa mga Pinoy na nasa ibang bansa.
Umaasa ang mga apektadong OFWs na mareresolba ng Pilipinas at Kuwait ang usapin para matuloy ang kanilang pag-alis.
“Hanggat hindi nag e-expire yung visa namin hindi naman kami nawawalan ng pag-asa na maka-alis,” saad ng isang OFW.
“Inaasahan po namin as OFW na maging ok po yung pagitan ng dalawang bansa po,” sabi naman ng isa pang OFW.
Inamin naman ni DMW undersecretary Hans Leo Cacdac na wala pa ring katiyakan kung kailan aalisin ng Kuwait ang ipinatupad na suspensyon sa visa ng mga Pinoy.
Ang ibang OFW na hindi na makapaghihintay, nag-iisip na mag-aplay na lang sa ibang bansa.
“Mag-apply na lang ako sa iba kasi kung kasi magwi-wait ka pa ng ano, may pamilya din kasi ako ang hirap ng wala lang kinikita,” pahayag ng isang OFW.
Tutulungan naman sila ng DMW na hanapan ng ibang mapapasukan.
“Maaari pong kaparehong trabaho kung hindi man kaparehong-kapareho ay equal or similar na job category,” ayon kay DMW assistant secretary Kiko de Guzman. --FRJ, GMA Integrated News