Nasa Canada ngayon ang dating "Eat Bulaga" dabarkads na si Jimmy Santos. Sa kaniyang latest vlog, nagbenta ang komedyante ng mga basyong bote at lata ng soda para ipakita ang sistema doon ng pag-recycle ng "basura."
Sa vlog ni Jimmy sa Youtube, nilagyan niya mismo ito ng titulong "Jimmy Saints nangalakal sa Canada!"
Sa video, makikita ang komedyante na nagtutulak ng cart kung saan nakalagay ang isang malaking plastic na naglalaman ng mga basyo ng bote, lata ng soda, at iba pang basura na puwedeng i-recycle.
Ipinakita ni Jimmy ang recycling facility na South Pointe Bottle Depot sa Calgary, kung saan binibili ang mga basyong bote at lata.
Pero hindi kagaya ng mga junkshop sa Pilipinas na bentahan ng mga basurang puwede pang pakinabangan, maayos at may proseso ang bottle depot na pinuntahan ni Jimmy.
Matapos piliin at paghiwa-hiwalayin ang mga dalang kalakal ni Jimmy, may ibinigay sa kaniyang papel na naglalaman kung magkano ang halaga ng dala niyang "kalakal."
Nang i-scan niya ang papel sa isang tila ATM machine, nakatanggap si Jimmy ng mahigit 15 Canadian dollar o mahigit P600.
Ayon kay Jimmy, may 10 sentimong "deposito" ang bawat lata ng soda para maobliga ang mga tao na ibalik o ibenta ang lata kapag naubos na ang laman.
“Magbebenta ng mga lata rito, 'yung mga pinaglalagyan ng mga tubig, softdrinks. Talaga naman dinde-deposito nila dito [at] binebenta nila. May halaga po ito," ayon kay Jimmy.
Ipinakita rin ni Jimmy sa video ang pasilidad kung saan dinadala ang mga nakokolektang materyales na nabubulok.
Inihayag ng komedyante ang kahalagahan ng recycling sa pangangalaga sa kalikasan.
Umani naman ng positibong komento ang naging paksa ni Jimmy sa kaniyang vlog at ang ginawa niyang pagbebenta ng mga kalakal.
Hindi naman nabanggit sa video kailan nagpunta sa Canada si Jimmy, at kung nagbabakasyon lang siya doon.--FRJ, GMA Integrated News