Naniniwala ang Department of Migrant Workers (DMW) na responsibilidad ng amo ang nangyari sa overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong na nasawi matapos nahulog mula sa ika-18 palapag ng gusali habang naglilinis ng bintana ng apartment.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing makikipag-usap si DMW Secretary Susan Ople sa mga kinauukulang opisyal ng Hong Kong kaugnay sa nangyaring insidente.
“Hindi siya under sa criminal law ng Hong Kong but again we will pursue all legal avenues,” anang kalihim.
“Kakausapin ko rin ang aking counterpart, si Minister Sun [Yuk-han] ng Hong Kong, just to express our concern para sabihin din na hindi na dapat ito mangyari kasi malinaw naman na prohibited act ito,” patuloy niya.
Nangyari ang trahedya noong Lunes. Ayon kay Ople, inaasikaso nila na makalipad papuntang Hong Kong ang kapatid ng OFW.
Napag-alaman na ipinagbabawal sa Hong Kong na paglinisin ng mga bintana ang mga domestic helper mula pa noong 2017. Dapat umanong nakasaad ito sa employment contract ng mga household service worker.
Ang mga bintana na may grills o harang lang ang puwede umanong linisin ng mga domestic worker.
“Dapat may grills yung bintana at hindi dapat nakalabas yung katawan ng worker kundi hanggang kamay lang. Puwede sanang hindi nangyari kung nasunod lang yung terms and conditions ng kontrata niya,” ani Ople.
Kahit sinasabing natutulog umano ang mga amo ng OFW nang mangyari ang insidente batay sa mga paunang impormasyon, sinabi ni Ople na responsibilidad pa rin ng mga ito ang nangyari. — FRJ, GMA Integrated News