Patay ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong matapos mahulog sa ika-18 palapag ng isang apartment building doon, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Nililinis daw ng OFW ang mga bintana sa unit ng kaniyang employer nang mahulog siya. Ilang building staff ang nakakita sa insidente at nag-report sa pulisya.

Dead on arrival sa ospital ang OFW, na hindi pinangalanan sa report.

Ipinagbigay alam na ang nangyari sa Philippine Overseas Labor Office sa Hong Kong. Nakipag-ugnayan na rin ang Konsulado sa kapatid ng biktima na nagtatrabaho sa Macau. —KBK, GMA Integrated News