Nakatakda umanong makipag-usap ang delegasyon ng Pilipinas sa mga kinatawan ng Kuwaiti kasunod ng utos ng huli na suspindehin ang entry at visa ng mga Filipino skilled workers sa kanilang bansa.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ang hakbang ng Kuwaiti government ay bunga ng paglabag umano ng Pilipinas sa kanilang kasunduan.
Kabilang umano sa kasunduang ito ang pag-alis ng deployment ban sa mga bagong domestic helpers at pagtigil sa pagkakaloob ng kanlungan ng mga tumatakas na OFWs mula sa kanilang mga amo.
"Kailangan natin ipaliwanag na ang shelter, kailangan 'yan para sa mga Pilipinong runaway," ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega. "Alangan naman wala silang mapupuntahan kung tumakas sila."
Dagdag pa ni De Vega, "Sa atin batas tungkol sa mga migrant workers, nakalagay doon kailangan may Filipino center or shelter para sa mga Pilipino."
Hindi umano nagugustuhan ng Kuwaiti government ang ginagawa ng pamahalaan ng Pilipinas kaugnay sa pagpapalakas ng pagtulong sa mga inaabusong OFWs.
"Hindi daw kailangan under Kuwaiti law. Ok, ang problema naman diyan, ang ibig sabihin, wala tayong gagawin, wala tayong aksyon kung may reklamo ang Pilipino," ani de Vega.
"Ipapaliwanag natin yan na what we want is something that benefits us both. Maintindihan dapat ng Kuwait na may dahilan kung bakit tayo mayroon ganitong mga patakaran," paliwanag niya.
Sa hiwalay na panayam sa Dobol B TV, sinabi ni De Vega, na pag-aaralan nila kung kailangan nang alisin ang deployment ban ng mga bagong household serrvice workers sa Kuwait na ipinatupad noong Pebrero.
“Titingnan din natin ang interes. Hindi lang puwedeng pamahalaan ang magde-decide, kami ng DFA, DMW (Department of Migrant Workers), DOH (Department of Health), Kongreso. Kailangan din namin yung feedback ng public,” dagdag niya.
Nitong Pebrero, ipinatupad ng DMW ang deployment ban ng first-time domestic workers sa Kuwait kasunod ng brutal na pagpatay sa OFW na si Julleebee Ranara, na kagagawan ng anak ng amo nito.
Bukod pa rito ang mga kaso ng pagmamaltrato ng mga amo sa mga OFW sa Kuwait na dahilan kaya marami ang nagtutungo sa mga shelter. --FRJ, GMA Integrated News