Umabot na sa 210 Filipino na biktima ng human trafficking mula sa iba't ibang bansa sa Southeast Asia ang naiuwi na sa Pilipinas.

“So far po nakapagpauwi na po tayo ng 210 na mga kababayan natin from Cambodia, Laos, at Myanmar na naging biktima ng illegal trafficking,” sabi ni , Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Paul Cortes sa televised public briefing nitong Miyerkules.

Sa ginanap na ASEAN Foreign Ministers’ Meeting sa Indonesia, sinabi ni DFA Secretary Enrique Manalo ang nagkakaisang layunin ng mga opisyal na labanan ang human trafficking.

Sinabi ni Cortes na kailangan ang regional approach sa pagharap sa naturang usapin.

Ayon sa opisyal, nadiskubre ng mga awtoridad na maraming Pinoy ang inaalok ng trabaho bilang call center agent sa Thailand pero daldalin sa Cambodia, Laos, at Myanmar na bahagi ng human trafficking scheme.

Inihayag din ni Cortes ang pagkakasagip ng nasa 1,000 katao sa Clark, Pampanga na iba't iba ang nationality na umano'y sapilitan ding pinagtatrabaho sa cyber fraud.

“Kaya sinabi ng ating gobyerno at Pangulo, hindi lang siya domestic issue but it is a regional issue na kailangan nating i-address of course through regional means,” ani Cortes.

Kabilang umano sa mekanismo ng ASEAN na maaaring tumugon sa problema ang ASEAN Convention Against Trafficking in Persons at ASEAN Declaration on Transnational Crime. — FRJ, GMA Integrated News