Ikinukonsidera umano ng one-third ng populasyon ng mga nurse sa Amerika ang umalis na sa trabaho matapos ang COVID-19 pandemic, batay sa resulta ng isang survey.
Sa ulat ng Reuters, sinabing 18,000 nurses ang isinailalim sa survey na isinagawa ng AMN Healthcare Services Inc (AMN.N) nitong nagdaang Enero.
Lumitaw na 30% sa mga ito ay iniisip na mag-iba ng trabaho, mas mataas ng pitong porsiyento kumpara sa survey noong 2021, na marami ang nagbitiw bunga ng pandemic.
Sa naturang survey nitong Enero, 36% ng mga nurse ang nais na magpatuloy sa kanilang trabaho pero nais malipat sa ibang lugar.
"This really underscores the continued mental health and well-being challenges the nursing workforce experiences post pandemic," pahayag ni AMN Healthcare CEO Cary Grace sa panayam ng Reuters.
Lumitaw din sa survey na kailangan ng mga pagbabago. Kabilang ang taas-sahod na hiling ng 69% ng mga nurse. Nais din ng 63% ng mga nurse ang mas ligtas na working environment para mabawasan umano ang kanilang stress.
Kamakailan lang, inihayag ng hospital operator at sector bellwether HCA Healthcare Inc (HCA.N), na nagkakaroon na ng recovery sa staffing situation sa mga pagamutan na naapektuhan dahil sa pandemic.
Nitong nakaraang taon, inihayag na isang kompanya sa Amerika ang nangangailangan ng nasa 1,000 registered nurse at 200 medical technologist.
Aabot umano ang sahod ng registered nurse sa katumbas na P400,000 at may signing bonus pa na $1,000.
Nagkaroon din ng recruitment event sa Pilipinas noong nakaraang Oktubre kung saan dumating sa bansa ang mga kinatawan ng mula sa mga US hospital para mag-hire ng mga Pinoy nurses.. -- Reuters/FRJ, GMA Integrated News