Sinabi ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) na nasa halos 200,000 ang overseas Filipino workers (OFWs) ang nasa Taiwan. At wala rin umanong kontrol ang China sa pagkuha ng Taiwan ng mga dayuhang manggagawa, tulad ng mga OFW.
Ayon kay MECO chairman Silvestre Bello III, dating Labor Secretary, malaya at may sariling patakaran ang Taiwan sa pagkuha ng mga dayuhang manggagawa.
Ginawa ni Bello ang paglilinaw kasunod ng pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na dapat tutulan ng Pilipinas ang kasarinlan ng Taiwan kung nagmamalasakit ang pamahalaan sa 150,000 OFWs sa Taiwan.
Iginigiit ng China na bahagi ng kanilang bansa ang Taiwan, na isang demokratikong teritoryo, at kaalyado ng Amerika.
Pagtiyak ni Bello, “well-protected" ang mga OFW sa Taiwan. Katunayan, nakikipag-ugnayan umano ang Ministry of Labor ng Taiwan sa Department of Migrant Workers ng Pilipinas, para sa pagkuha ng mas maraming Filipino teachers at hospitality workers, at maging ng mga mangingisda at magsasaka.
“Very independent (Taiwan). China definitely has nothing to do with the employment of our overseas Filipino workers,” sabi ni Bello sa panayam ng ANC nitong Lunes.
“I would like to assure… na napakaganda ang kondisyon ng ating mga OFWs doon. Walang cause of alarm. I would be the first one to tell you kung saka-sakaling may emergency situation, pero right now, wala pong tension. Normal na normal ang Taiwan. All our Filipino community members are prepared for any exigency,” dagdag niya.
Wala umanong nakikita si Bello para iugnay ang kapakanan ng mga OFW sa Taiwan, at sa karagdagang lokasyon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
“I don't see any relation between the new installation of EDCA sites in our country to the relationship between China and Taiwan. Whether nandiyan ang EDCA sites natin o wala, the fact is China has been trying to get back Taiwan. Hindi ko nakikita ang relasyon,” giit niya.
Nitong Linggo, sinabi ng embassy ng China sa Pilipinas na misquoted, misunderstood, o taken out of context ang pahayag ni Huang tungkol sa OFWs sa Taiwan.
"It is appreciated that there was extensive coverage on Ambassador Huang Xilian's speech at the 8th Manila Forum. Unfortunately some misquoted or misinterpreted Ambassador Huang's remarks or simply took part of the Ambassador's words out of context," sabi ng embahada sa pahayag nito sa Facebook page. —FRJ, GMA Integrated News