Dahil sa hinala ng tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport na may lamang kontrabando sa loob, ipinasira na lang ng isang overseas Filipino worker ang laruang eroplano na dala niya para malaman ang katotohanan.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa larawan ang isang tauhan sa paliparan habang sinisira ang laruang eroplano.
Ang naturang laruan ay dala ng OFW na si Rachell Anne Ramos, galing sa Hong Kong, at may connecting flight pauwi sa Laoag, Ilocos Norte.
Pero habang hinihintay ang kaniyang biyahe, sinabi ni Ramos na nilapitan siya ng isang kawani sa dahil may nakita raw sa kaniyang bagahe.
Dalawang beses umanong idinaan sa x-ray machine ang kaniyang bagahe at ipina-amoy din sa K-9 unit o aso.
"Akala nila may droga nga o something inside so doon na ako nagtaka," ayon kay Ramos.
Para matapos na umano ang hinala at para hindi siya maiwan ng eroplano, sinabi ni Ramos sa kawani ng BOC na wasakin na lang ang laruan upang malaman kung mayroon talagang kontrabando sa loob.
Ngunit wala umanong nakita na anuman sa laruan na nauwi na lang sa basurahan.
Kaya mungkahi ni Ramos sa BOC, mag-upgrade ng makina sa paliparan na malinaw na makita ang laman ng mga bagahe upang hindi na maulit ang nangyari sa kaniya.
Sinabi rin sa ulat na humingi ng paumanhin si Atty. Vincent Maronilla, assistant commissioner at spokesperson ng BOC, sa OFW dahil sa nangyari sa laruan.
Sisikapin din umano nila na sundin ang mungkahi ang Ramos.-- FRJ, GMA Integrated News