Laking gulat ng isang Pinay at kaniyang asawa nang bumuluga umano sa inorder nilang soup sa isang restaurant sa New York ang isang bubuwit. Ang masama, nakain na raw nila ang kalahati ng soup bago nila nadiskubre ang daga. Itinanggi naman ng resto ang alegasyon at sinabing hiningan sila ng pera ng lalaki.
"So disgusting. Theres a dead rat in our soup. We just puked," saad ng lalaki sa video na ini-upload ni Eunice Lucero-Lee, na makikita sa ulat ng GMA News Feed.
Inorder umano ng mag-asawa ang pagkain sa Gammeeok restaurant. Nakain na raw nila ang kalahati ng soup bago nila nakita ang bubuwit.
Sumama rin umano ang kanilang pakiramdam kaya kinailangan nilang magpatingin sa duktor.
Ayon kina Lucero-Lee, tinawagan nila ang pamunuan ng Gammeeok para magreklamo. Noong una, inalok daw sila ng $100 o katumbas ng mahigit P5,000 para huwag nang magreklamo.
Pero tumaas daw ang alok sa $5,000 o mahigit P273,000. Gayunman, hindi raw pumayag ang mag-asawa at ini-report ang isidente sa NY City Health Department.
Kaagad namang umaksyon ang mga awtoridad at ipinasara ang restaurant.
Batay umano sa kanilang record, dati nang nakitaan ng sanitation violation ang restaurant.
Sa pinakahuling inspeksyon kasunod ng insidente ng mag-asawa, nakita na may palatandaan na may daga sa establisimyento.
Hindi rin umano maayos ang food handling ng restaurant,hindi protektado sa kontaminasyon ang mga pagkain, at wala ring food protection certificate.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang Gammeeok sa resulta ng imbestigasyon.
Pero sinagot nila ang mga alegasyon ng mag-asawa sa kanilang Instagram post.
Ipinost ng restaurant ang CCTV footage nang niluluto umano ang order ng mag-asawa. Apat na beses daw na sumandok ang staff bago napuno ang lalagyan ng order. Kaya hindi raw puwedeng hindi nila nakita kung may daga talaga sa order.
Sa caption ng post, itinanggi rin ng resto na nag-alok sila ng pera sa mag-asawa para hindi na magreklamo. Sa halip, sila raw ang hiningan ng pera.
"He [husband] immediately asked for $5,000. And after going to the hospital, he asked for the hospital bill and we said that we would have an internal meeting and we let him know,' saad sa post ng Gammeeok.
"But right away, he called and demanded $25,000. After that, we said we couldn't afford it, so we said we going to hire a lawyer to take action," patuloy niya.
Wala pang panibagong sagot sina Lucero-Lee na nag-off umano ng comment sa Instagram habang gumugulong ang kaso.-- FRJ, GMA Integrated News