Muntik nang mawalan ng pag-asa ang isang Pinay overseas Filipino worker (OFW) na makaliligtas siya sa pagkakaipit sa guho sa Turkey dahil ilang beses na umano niyang nadinig ang mga rescuer malapit sa kaniyang kinaroroonan pero hindi naman siya nadidinig kapag sumigaw para humingi ng tulong.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, ikinuwento ng OFW na si Julieva Benlingan kung papaano siya nadinig ng mga rescuer at nailabas sa guho pagkalipas ng 60 oras sa nasirang bahay ng kaniyang amo sa Hatay.
“Naipit yung paa ko, naipit din yung ulo ko, hindi ko pa rin ginagalaw kamay ko to find some other na mga ibang pwedeng kong basagin at puwede kong i-ano sa ulo ko para mabigyan man lang ng space para mai-move ko 'yung head ko... But then hindi ko talaga mai-move kasi nga na-stuck ako both sides,” ani Benlingan.
Dahil hindi nadidinig ng mga rescuer ang kaniyang pagsigaw para humingi ng tulong, pinilit ni Benlingan na ipukpok o patunugin ang metal na bagay na kaniyang nahawakan hanggang sa madinig na siya ng mga tao na naghahanap ng survivors.
“May mga tao na sumisigaw na, ‘May tao ba d'yan?’ in their language. Sabi ko, ‘Yeah, I am here. I'm here, help me!’ I am crying for help...Para akong nakikipag-sigawan sa kanila but then sabi nila pala, hindi nila ako marinig,” saad niya.
“Pinatugtog ko 'yun, sabi ko, ‘Andito ako’, para mag-ingay ako. Siguro 'yun ang way para marinig nila ang ingay ko...Isang metal na pinukpok ko na na-stuck sa ulo ko,” patuloy niya.
Patuloy na ang pagbuti ng kalagayan ni Benlingan na nananatili sa ospital.
Umaasa rin siya na matutulungan siyang makauwi ng Pilipinas kapag puwede na siyang lumabas ng pagamutan.
“Kung fully-recovered na po sana ako, sana po matulungan ako makauwi rin sa Pilipinas at sana rin po makapunta rin 'yung anak ko rito kasi gustong-gusto ko na rin po makasama 'yung anak ko,” dagdag niya. --FRJ, GMA Integrated News