Malungkot ang naging wakas sa paghahanap sa isang Pinay at tatlo niyang anak na nawawala mula nang tumama ang malakas na lindol sa Turkey matapos na makita ang kanilang mga bangkay.
"It is with deepest regret that the Embassy must confirm the passing of a Filipina housewife and her three children, previously reported to be missing under the rubble in Antakya," saad sa pahayag ng Philippine Embassy sa Turkey nitong Linggo.
"She and her children have been laid to rest by her Turkish husband, in accordance with Turkish tradition," patuloy nito.
Nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima ang embahada at ang buong Department of Foreign Affairs sa nangyaring trahediya.
Ayon sa embahada, nasa 20 pamilya ang nasa kanlungan ng embahda. Kinabibilangan ito ng 70 katao, kasama ang mga overseas Filipino, mga bata, mga asawang Turkish, at senior citizens.
Binibilisan na rin umano ang pagproseso sa mga Pinoy na nais umuwi ng Pilipinas. Patuloy namang tutulungan ang mga Pinoy na nais manatili sa Turkey.
Pebrero 6 nang yanigin ng 7.8-magnitude na lindol ang Turkey at kalapit nitong bansa na Syria. Umabot sa 46,000 ang nasawi sa dalawang bansa dahil sa lindol. — FRJ, GMA Integrated News