Dumating na sa bansa nitong Miyerkules ang mga labi ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Wilma Tezcan na kabilang sa mga nasawi sa malakas na lindol na tumama sa Turkey.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras," sinabing dakong 7:00 pm nang mailabas sa cargo area ng NAIA ang mga labi ni Tezcan na ibibiyahe pauwi sa Lucena upang doon iburol.
Nasa naturang biyahe rin ang anak nito na si Nicole, na sinundo ng kaniyang lolo na si William sa NAIA Terminal 3.
Nasa Hatay sa Turkey si Tezcan nang tumama ang magnitude 7.8 quake, na nakapinsala rin sa katabi nitong bansa na Syria. Samantala, nasa Istanbul naman noon ang kaniyang anak.
Ayon kay Nicole, batid niya na malapit sa epicenter ng lindol ang kaniyang ina. Nakatawag pa raw ang kaniyang ina sa employer nito matapos ang unang tama ng lindol.
Pero tumigil na sa paghingi ng tulong ang kaniyang ina nang magkaroon ng malakas na aftershock. Napag-alaman na 11 taon nang OFW si Tezcan, at breadwinner sa pamilya.
Sa kabila nang malungkot na pangyayari, nagpapasalamat ang ama ni Tezcan na nakuha ang katawan ng kaniyang anak at naiuwi sa Pilipinas.
Hindi naman nakasama sa pagpunta sa Pilipinas ang Turkish husband ni Tezcan dahil nawala ang kaniyang pasaporte.—FRJ, GMA Integrated News