Ipinaalala ng isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pinoy na huwag maniniwala sa mga recuiter na magsasabing puwedeng palitan ng working visa ang tourist visa kapag nakarating na sa bansang pupuntahan sa Southeast Asian para makapagtrabaho.

"Huwag pupunta doon ng turista na bobolahin kayo ng recruiter na pagdating niyo doon iko-convert sa working visa. Hindi po ganoon sa Southeast Asia, so red flag na 'yon," paalala ni DFA Undersecretary Eduardo Jose De Vega sa public briefing nitong Martes.

Ginawa ni De Vega ang babala matapos na mabiktima ng human trafficking sa Myanmar ang walong Filipino.

Dumating sa bansa nitong Martes ng umaga ang walong Filipino. Apat sa kanila ang pinagtrabaho bilang online scammers ng crypto currency farms.

Nasagip sila ng mga awtoridad ng Myanmar at Philippine Embassy sa Yangon.

Ayon sa opisyal ng DFA, nangyayari din ang human trafficking sa Laos at Cambodia.

"Hindi lang nangyayari sa Myanmar 'to pati sa Laos, Cambodia, and we thank the government for providing assistance to the Philippines," ani De Vega.

Batay sa mga ulat, dinadala ng human traffickers ang mga biktimang Pinoy sa Thailand bilang mga turista, at saka ililipat sa Myanmar bilang online scammer.

Minamantrato umano ang mga biktima at pinagbabantaan kapag hindi sumunod sa utos ng sindikato. — FRJ, GMA Integrated News