Isang Pinay na 60 oras na nasa guho ang nailigtas sa Turkey. Samantala, pumalo na sa mahigit 35,000 ang nasawi sa Turkey at Syria dulot ng magnitude 7.8 na lindol.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes, kinilala ang nailigtas na overseas Filipino worker na si Juliva Benlingan.
Ayon sa kaniyang kapatid na si Maribel, may sugat sa mukha, ulo, at paa, at dehydrated si Juliva nang makuha mula sa guho.
Nagpapagaling na siya sa ospital.
Sa Facebook post, sinabi ni Maribel na nagtatrabaho ang kaniyang kapatid sa Hatay.
"I received a call from the employer yesterday telling me that my sister was left in the building because she's dead. But, we did not give up praying for miracles, all the more that we stormed the heavens crying for life. And indeed God answered our prayers," ayon kay Maribel.
Nitong Lunes, iniulat na umakyat na sa mahigit 35,000 ang nasawi sa naganap na lindol noong Pebrero 6.
Isang linggo makaraang tumama ang lindol, patuloy ang paghahanap sa mga naipit sa mga guho at pagtulong sa mga nakaligtas pero walang tirahan.—FRJ, GMA Integrated News