Isang overseas Filipino Worker ang dumulog sa programang “Sumbungan ng Bayan” dahil wala umano siyang napakinabangan sa kooperatiba na pinaglagyan niya ng kaniyang pera bilang investment sana sa San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon kay Celia, hindi niya tunay na pangalan, nag-invest siya sa kooperatiba dahil sa alok na maaari silang makautang nang doble ang laki sa kanilang naging investment, at nasa 2.7% lang ang interes kada buwan.
“Kasi po dito po sa abroad, maski malaki ‘yung sahod parang break even lang po eh, wala rin pong maipon. Kaya ang ano ko po sana diyan sa Pilipinas, magkaroon ako ng investment para na rin sa future,” saad niya.
Umabot umano sa P81,000 ang pera na naipasok ni Celia sa kooperatiba ngunit wala raw siyang napakinabangan dito.
Ipinaliwanag ni Atty. Conrad Leaño, na ang kooperatiba ay isang asosasyon ng mga tao na ang layunin ay maiangat ang buhay ng mga miyembro nito.
“So primarily, ‘yan talaga ang purpose ng kooperatiba, sama-sama, asosasyon ng mga tao para sa ganon ang kanilang mga buhay ay umangat. Dahil ang kooperatiba ay maaaring pumasok sa iba’t ibang ventures or negosyo,” ani Leaño.
Binanggit rin ng abogado na kasama sa mga ventures ng kooperatiba ang pagpapautang.
“Ngayon isa sa mga pribilehiyo ng kooperatiba ay magpapautang ang kanilang member beneficiaries pero ito ay hindi automatic. Just like any other lending companies, siyempre not because you are a member beneficiary ay automatic na papautangin ka,” aniya pa. “So mayroon pa rin mga screening na dadaanan ‘yan, mayroon pa ring mga credit investigations.”
Ayon pa kay Leaño, layunin din ng kooperatiba na kumita at kaulauna’y makikinabang din ang mga miyembro nito sa kita.
“So, gaya ng isang, korporasyon na kumikita, na kapag kumita ay nagpapamahagi ng dividendo sa mga stockholders, ganoon din ang kooperatiba. Kapag kumita ang kooperatiba in a form of interest, kung sakali ito ay nagpapautang ang mga member beneficiaries ay entitled sa parang dibidendo nila,” diin pa niya.
Samantala, sinabi ni Celia na pinipilit raw silang mag-recruit ng mga bagong miyembro ngunit nang umutang siya wala raw mailabas ang kooperatiba.
“Actually, po kasi nu’ng una po hindi po ako nangungutang kasi ang ginagawa lang po nila, pinapa-capital build nila kami… tapos kailangan ng P100 a week. Tapos pinipilit nila kaming mag-recruit nang mag-recruit,” salaysay pa ng OFW.
“Parang sa nakikita namin bakit walang ma-release na loan tapos marami na ring nagrereklamong mga cooperators na ‘yung nag-withdraw ng mga share capital nila ay hindi naisoli,” dagdag pa niya.
Iginiit naman ni Leaño na pribelihiyo ang pautang ng isang kooperatiba. Pero karapatan ng miyembro na malaman ang dahilan kapag hindi siya pinautang.
“It’s a privilege not a right [ang pautang]. Pero kung sakali ay hindi papautangin ng kanilang kooperatiba, they have to right to know why, especially kung naisumite naman nila ang lahat ng kinakailangang isumite, nabayaran nila ‘yung kanilang membership dues, and kung sa tingin naman nila they have the capacity to pay the monthly interest and principal loan, so they have the right to know kung bakit,” paliwanag ng abogado.
Pero may hindi magandang obserbasyon si Leaño sa kooperatiba na nasalihan ni Celia. Alamin sa video kung ano ito, at ano ang dapat tandaan na "red flag" para hindi maloko kapag sumali sa kooperatiba. Panoorin ang buong talakayan. --FRJ, GMA Integrated News