Maglalabas ang Department of Migrant Workers (DMW) ng whitelist at blacklist ng mga recruitment agency sa harap ng muling pagpapadala ng mga Filipino workers sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Sa public briefing nitong Martes, sinabi ni DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac, na tanging mga recruitment agency lang na nasa whitelist ang maaaring mag-recruit ng OFWs patungong KSA.

“Yung nabanggit kong whitelisting at blacklisting ng mga recruitment agencies ay itinatalaga na namin para siguradong yung a-apply-an ng mga OFWs natin ay hindi nabibilang sa blacklist at sa halip ay nabibilang sa whitelist,” paliwanag ng opisyal.

Kaagad umanong makakaalis ang mga OFW na nasa first batch na papayagang magtrabaho na muli sa KSA.

Kasama umano ito sa mga pagbabago na ipatutupad mula nang alisin ng Pilipinas ang deployment ban ng OFWs sa KSA nitong November 7.

Kabilang sa mga dahilan ng pagpapatupad ng deployment ban sa KSA ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga OFW doon. Gayundin ang hindi nababayarang backwages at benefits ng mga OFW na nawalan ng trabaho noong 2015-2016 nang mabangkarote at magsara ang mga kompanya na kanilang pinapasukan.

Kamakailan lang, nangako ang KSA na maglalaan ng 2 billion riyals para bayaran ang unpaid salaries ng nasa 10,000 OFWs. — FRJ, GMA Integrated News