Nasagip ng mga awtoridad ang mga Pinoy na inalok daw na maging call center agent sa Thailand pero scammer ang bagsak sa Myanmar. Ang mga biktima, na-recruit umano sa pamamagitan lang ng social media.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, isiniwalat ni Senator Risa Hontiveros sa kaniyang privileged speech ang naturang bagong modus umano ng human trafficking na ginagawang online scammer ang mga nare-recruit na Pilipino.

Kamakailan lang, nasagip ng Department of Foreign Affairs at mga awtoridad ang 12 overseas Filipino workers sa Myanmar na ginawang scammer ng sindikatong Chinese.

Ayon sa ulat, una raw pinangakuan ang mga OFW na magiging call center agent sila sa Thailand matapos ma-recruit sa Facebook.

“Pagdating nila sa Thailand, kung saan inaakala nilang magtatrabaho sila. Hinila sila ng mga alagad ng Chinese mafia na ito sa Myanmar upang gawing mga scammer na gumamit ng cryptocurrency,” saad ni Hontiveros.

Inilahad ng isa sa mga nasagip na si Rita, hindi niya tunay na pangalan, na isang nagngangalang Len Lopez Al Amrie ang nakahikayat sa kaniya sa pamamagitan ng Facebook.

Pagdating sa ibang bansa, sinabi ni Rita na tinuruan daw sila kung paanong mang-scam ng dayuhan na kinukuha nila sa Facebook, LinkedIn, at maging sa dating applications gaya ng Tinder.

“Kukunin namin ‘yung loob nila, kailangan magtiwala sila sa amin. ‘Pag tapos po nu’n kapag feeling namin nagtitiwala na sila sa amin, yayain na po namin silang mag-invest sa crypto currency,” aniya.

“Sa unang pagkapanalo nila, nadodoble ‘yung pera nila. Papa-withdrawhin po muna nila para mapaniwala si biktima na puwedeng mag-withdraw, posibleng mag-withdraw. Pero sa susunod, na lumaki na nang lumaki ang kapital or ‘yung investment ng biktima at gusto na nilang withdrawhin ito, hindi na nila po mawi-withdraw kasi hindi na po i-approve ‘yun ng mga Chinese,” dagdag pa niya.

Ipinagtataka ni Hontiveros kung paano nakarating sa Myanmar ang mga OFW gayong may deployment at travel ban doon ngayon.

“May namumuong masamang plano ang Chinese mafia na ito na gawing all Filipino team ang mga scammer nila sa Myanmar at iba pang lugar dahil sa ating English proficiency,” sambit ni Hontiveros.

Samantala, sinabi ni Senator Raffy Tulfo na dapat bigyan ng confidential at intelligence funds ang Department of Information and Communications Technology para maiwasan ang mga illegal recruitment sa mga OFW.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News