NEW YORK - Wala pang naiulat na Pilipino na naapektuhan ng Hurricane Ian sa Florida, ayon sa Philippine Embassy sa Washington, DC nitong Sabado (US time).
Naging malawak ang iniwang pinsala ng Hurricane Ian sa southwest Florida nang mag-landfall ito noong Miyerkoles ng hapon (US time).
Umabot sa 31 katao na ang naiulat na namatay habang patuloy pa ang search and rescue operation sa mga lugar na lubhang tinamaan ni Hurricane Ian.
Sa isang text message sa GMA News, sinabi Vice Consul Mark Dominic Lim ng Philippine Embassy sa Washington, DC na wala pa silang natatanggap na report kung may mga Pinoy na nangangailangan ng tulong sa ngayon.
Wala rin daw ulat na casualty sa mga Pinoy doon.
“No reports of Filipinos needing assistance and No Casualty reported," ani Lim.
Pero masusi pa rin daw na mino-monitor ng embahada ang sitwasyon ng mahigit 167,000 na Pinoy na nakatira sa Florida.
Sa 5:00 p.m. EST Public Advisory Number 37 ng National Hurricane Center, sinabing mahina na ang Hurricane Ian na isa na lamang post-tropical cyclone. Ito ay bumabaybay sa bahagi ng Southern Virginia patungo sa east-northeast.
Wala nang dalang banta ang Post-Tropical Cyclone Ian na inaasahang magdi-dissipate ngayong Linggo.
Nanawagan naman ang Philippine Embassy sa Washington, DC sa mga Pilipino na agad na tumawag sa kanilang emergency hotline numbers na (202)368-2767 at (202)769-8049 kung sila ay nangangailangan ng tulong. —KG, GMA News