Hiniling ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Lunes (PHL time) sa Filipino community sa New Jersey, USA, na suportahan ang turismo at maglagak ng negosyo sa Pilipinas.
Ginawa ni Marcos ang pahayag sa harap ng Pinoy na nagtungo sa New Jersey Performing Arts Center, na ang iba ay galing pa sa New York at Canada, ayon Ivan Mayrina sa GMA News' Unang Balita.
Sa kaniyang talumpati, kinilala ni Marcos ang sakripisyo at kontribusyon ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa ekonomiya ng bansa.
“Kahit nasa malayo kami ay pinapanood namin kayo, pumuputok po ang puso namin ‘pag nakita namin ang inyong ginagawa na itinataas at pinapatingkad ang pangalan ng Pilipinas sa buong mundo,” anang pangulo.
Pinasalamatan ni Marcos ang mga Filipino sa US dahil ang remittances na nanggagaling sa kanila ay kumakatawan sa 40% ng mahigit $3.4 bilyon ng kabuuang remittances sa bansa.
“‘Yung remittances na pinadala ninyo, alam ko ang iniisip ninyo ay tulungan ang mga pamilya ninyo. Pero kahit hindi niyo nararamdaman, malaking naitulong ninyo sa ekonomiya ng Pilipinas. At siguro hindi lang malaki ang naitulong, binuhay ninyo ang ekonomiya ng Pilipinas,” sabi ni Marcos.
"We have over 10 million kababayans all over the world, and as your President, I understand and know fully well the significant impact of the Philippine diaspora on our motherland, especially in terms of supporting our post-pandemic economic recovery,” patuloy niya.
Pinasalamatan din niya ang mga medical frontliner sa kanilang kabayanihan sa panahon ng pananalasa ng COVID-19 pandemic.
Hinikayat ni Marcos ang mga Pinoy na magtulong-tulong din para i-promote ang turismo at pagnenegosyo sa Pilipinas.
Tinatayang 100,000 Filipinos ang naninirahan sa New Jersey, na karamihan ay mga health worker.
Nasa Amerika si Marcos para sa anim na araw na working visit na nagsimula noong Linggo.
Dadalo rin si Marcos sa 77th United Nations General Assembly (UNGA), at magtatalumpati sa Miyerkules (September 21, PHL time).
Inaasahan din na makakausap ni Marcos sa Amerika ang ibang lider ng iba't ibang bansa, mga negosyante at potential investors sa economic briefings sa New York.
"In the coming days, so besides the meetings with the political leadership, it will also be for potential investors, other business leaders dahil gusto natin para paahunin nga natin, para pasiglahin natin ang ekonomiya na makapag-invest at ‘pag nag-invest mayroong bagong negosyo. Kapag may bagong negosyo, may trabaho,” ayon kay Marcos.
“Para ipaliwanag sa kanila na ang Pilipinas, ganito na at marami kaming binago, marami kaming pinaganda para sa inyong pagpasok sa inyong investment sa Pilipinas at sa gayon ay baka masasabi natin na patuloy na papalapit na tayo doon sa ating pinapangarap na ang Pilipino ay hindi na kailangan umalis ng Pilipinas para maghanap ng trabaho,” patuloy niya.
Wala pang katiyakan kung magkakaroon ng pagkakataon sina Marcos at US President Joe Biden na magkausap sa UNGA.
“Our bilateral alliance with the United States is possibly as important and policy as there is in the Philippines. Our relations with the US remain strong, and I believe we will make them stronger in the coming years,” dagdag niya.--FRJ, GMA News