Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na mayroong 500 overseas Filipino workers ang nasa mga shelter sa Kingdom of Saudi Arabia na humihingi ng tulong at may nais nang umuwi sa Pilipinas. Karamihan sa kanila, mga household service workers o domestic helper.
"In our shelters, there are about 500 OFWs kingdom-wide or in the three areas where we are present, that need assistance, mostly household service," sabi ni DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac sa isang public briefing.
"This is the biggest source of worry for Secretary Toots (Susan Ople). She visited all shelters and talked to the OFWs there," dagdag ni Cacdac.
Kamakailan lang, inihayag ni Ople na aalisin na ng Pilipinas sa darating na Nobyembre 7, 2022 ang deployment ban sa Saudi Arabia.
Sinabi ni Ople na ang desisyon ay nabuo sa harap ng gagawing hakbang ng pamahalaan ng KSA para maprotektahan ang mga OFW doon.
Kasama si Ople ng iba pang opisyal ng DMW na nagtungo sa KSA. Nabuo sa pakikipagpulong nila sa ilang opisyal ng naturang kaharian ang kasunduan na gumawa ng mga hakbang na, “to facilitate the decent and productive employment of OFWs and ensure the protection of their rights."
Ayon kay Cacdac, inatasan ni Ople ang mga namamahala sa Philippine shelters na paghusayin ang pasilidad, pagkakaloob ng atensyong medikal, pagkain at maging ang pagtugon sa repatriation ng mga OFW.
"Ang isa sa mga tinake up ni Sec. Toots and Minister Al-Rajhi is dapat bigyang daan 'yung pagpapauwi ng isang OFW na may reklamo sa kaniyang kontrata at may reklamo ng pang-aabuso para siya'y makauwi," ani Cacdac.
"Walang sinuman ang makakapilit sa isang tao na magtrabaho, lalo sa ibang bansa. Dahil slavery na 'yon kung hindi pa siya pinauuwi at gusto na niyang umuwi at ayaw na niyang magtrabaho doon," paliwanag niya.—FRJ, GMA News