Naiuwi na sa kaniyang pamilya sa Lapu-lapu City, Cebu ang mga labi ng 33-anyos na overseas Filipino worker na sinasabing aksidenteng nasawi sa bahay ng kaniyang amo sa Saudi Arabia.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa Regional TV News nitong Miyerkules, makikita ang matinding kalungkutan ni Junrel Llemit sa sinapit ng kaniyang kabiyak na si Nelin Encoy.
Napag-alaman na noon lang nakaraang taon umalis ng bansa si Nelin para magtrabaho bilang domestic helper sa Saudi Arabia.
Pero noong nakaraang Hulyo, nasawi si Nelin nang ma-suffocate umano nang masunog ang bahay ng kaniyang amo.
Sa naunang ulat, nagpahayag ng pagdududa ang pamilya ni Nelin kung talagang aksidente ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
Kaya humingi sila ng tulong sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang maiuwi agad sa bansa ang kaniyang mga labi at alamin ang tunay na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Ayon kay Junrel, bago pa man mangyari ang trahediya ay tila nagpahiwatig na umano ang kabiyak dahil sa pagbibilin nito na huwag pababayaan ang dalawa nilang anak na mga bata pa.
Dumating ang mga labi ni Nelin noong Huwebes, at isinailalim sa awtopsiya noong Biyernes ng gabi.
Nagpasalamat ang pamilya ni Nelin sa tulong ng OWWA upang maiuwi agad sa bansa ang kaniyang mga labi.-- FRJ, GMA News