Nagsampa ng mga reklamo ang isang overseas Filipino worker (OFW) laban sa kaibigan niyang pari nang hindi umano nito ibinalik sa kaniya ang hiniram na sasakyan at gumastos pa raw ng aabot sa P100,000 sa account ng biktima.

Sa Sumbungan ng Bayan, iniinda ni Judylen Cezar, 15 taon nang caregiver sa Jerusalem, ang problema niya sa Pilipinas matapos na hindi umano ibinalik ni Fr. Jorge Casaberde ng Quasi-Parish of the Holy Family sa Labo, Camarines Norte, ang ipinahiram niyang sasakyan mula pa Nobyembre noong nakaraang taon.

"Nagse-send na po ako sa kaniya ng tatlong demand letter. Sa umpisa naman po wala namang kapro-problema. Doon lang talaga sa sasakyan, talagang doon siya nag-abuso, sobra," sabi ni Cezar.

Ginamit pa umanong dahilan ni Fr. Casaberde ang sasakyan para makakuha mula kay Cezar ng mahigit P100,000.

"Kasi raw po 'yung sasakyan nasa talyer na. Ano na po ang magagawa? Wala raw po siyang pera. Kaya po binigay ko personal," sabi ni Cezar.

Bukod pa ito sa mahigit P30,000 mga online transaction na ginawa ng pari na nabawas sa isang online account ni Cezar.

"Sabi ko po, kung may problema sa sasakyan, 'yun ang gagamitin niya. Lahat po nagastos, wala naman po siyang sinabi sa akin... Mga personal na gamit, mga sapatos, mga pabango, sumbrero, short. 'Yung simbahan, tikom ang bibig," ayon kay Cezar.

Idinulog ang sumbong ni Cesar sa pamunuan ng parokya ni Fr. Casaberde.

"Nabubuhay po kami sa donasyon. Pero 'pag 'yan ay para na sa sarili tapos ginagamit pang-simbahan siyempre hindi na po iyon ang nararapat. Noong nagkaroon ng ganoong problema, agad-agad si Fr. Jorge inalis po rito sa parokya. Four months na po wala akong kasama rito sa parokya," sabi ni Fr. Julius Descartin, Parish Administrator, Quasi-Parish of the Holy Family.

"I didn't ask for anything. Any transaction that I have, we can consider that one as may consent doon sa may-ari. I will return the car doon mismo sa bahay nila kasi alam ko naman iyong bahay nila," depensa ni Fr. Casaberde, na sumasailalim na ngayon sa formation program.

"I understand na mayroon ding effect sa kaniya pero sana maintindihan din niya na may effect din sa akin. Because of that, nagkaroon ako ng ganitong situation... processing, renewal program," sabi ni Fr. Casaberde.

Ayon naman kay Atty. Francis Dominick Abril, maaaring magsampa si Cezar ng dalawang kaso laban kay Fr. Casaberde, na action for recovery of personal property para sa kaniyang sasakyan, at ang sum of money na kinuha umano ng pari.

"Pasok pa rin ito sa estafa. Magkahiwalay na estafa na 'yun. Estafa sa sasakyan, at estafa doon sa access," sabi Atty. Abril.

Nakuha na rin ng PNP sa Camarines Norte ang mga kailangang dokumento para masampahan ng kaukulang reklamo si Fr. Casaberde.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News