Mahigit £60 milyon o $72 milyon halaga ng pagkain ang nasayang sa Britanya sa unang bahagi ng 2022 dahil sa kakulangan ng mga tao na aani o pickers ng mga tanim na gulay at prutas.
Ang naturang pahayag ay inilabas ng National Farmers' Union, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
"It's nothing short of a travesty that quality, nutritious food is being wasted at a time when families across the country are already struggling to make ends meet because of soaring living costs," sabi ni NFU deputy president Tom Bradshaw.
Batay umano sa pag-aaral, nasa 40% ng mga magsasaka o may-ari ng mga taniman, ang nagreklamo ng pagkalugi dahil sa kakulangan ng aani.
Ang mga tinanong, nagsabing kailangan na dagdagan ng 14% ang recruitment sa taga-ani. Mayroon din nagsabi na mayroong 17% ng pickers ang hindi na nagpapakita, at may 9% ang umaalis na kahit hindi pa tapos ang kontrata.
Kabilang ang Brexit sa itinuturong dahilan kaya may kakulangan at pahirapan na makakuha ng farm workers mula sa ibang EU member states.
Pansamantala raw na napupunan ng mga Ukrainian ang naturang kakulangan. Gayunman, dahil pa rin sa pananakop ng Russian, maraming Ukrainian ang hindi makaalis sa kanilang bansa.
Para punan pa rin ang kakulangan sa mga manggagawa, kumukuha ang Britanya ng mga dayuhang manggagawa sa Indonesia, Uzbekistan, South Africa, at sa Pilipinas.
"At the same time, the prolonged dry weather and record temperatures have created a really challenging growing environment for our fruit and veg," ayon kay Bradshaw.
"Every crop is valuable — to the farm business and to the people whose plates they fill. We simply can't afford to be leaving food unpicked," dagdag niya.
Ayon sa union, kailangang palawigin ng Britanya ang Seasonal Workers Scheme para hindi na lumalala ang pagkasayang ng mga ani sa susunod sa susunod na taon.
Ngayong 2022, pinahintulutan ng Britanya ang pagkakalob ng 38,000 visas para sa seasonal workers pero dapat daw itong dagdagan ng hanggang 70,000.
"This survey has demonstrated just how crucial it is for fruit and veg growers to have access to the workforce they need," ani Bradshaw. —AFP/FRJ, GMA News