Sinuspinde ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang expanded mandatory insurance para sa land-based returning at directly hired overseas Filipino workers (OFWs), na iniutos ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople.
Sa inilabas na abiso ng POEA na may petsang Agosto 5, binanggit nito ang "improving global health situation, opening of borders, and high vaccination rates among OFW."
"In this regard, the implementation of the expanded compulsary insurance coverage shall be temporarily suspended pending the consultations and dialogue among the recruitment industry stakeholders, and submission of an offer from the insurance providers, for improved package of services beneficial to the needs of the OFWs," nakasaad sa Advisory No. 55 mula kay POEA Administrator Bernard Olalia.
Noong November 2021, nakasaad sa Department of Labor and Employment (DOLE) Department Order (DO) 228-21 ang pagkakaloob, pagpapalawig at pagpapalakas sa pangangalaga sa OFWs sa harap ng COVID-19 outbreak.
"The suspension will save our 'balik-manggagawa' workers and the directly hired by foreign employers at least $35 worth of mandatory insurance coverage, while reducing the numbers of requirements imposed by government. Malaking ginhawa ito para sa ating OFWs," sabi ni Ople sa inilabas na pahayag nitong Lunes.
Gayunman, mananatili pa rin ang mandatory insurance coverage sa mga newly-hired OFW na itinatakda sa batas.
“Para malinaw, may dalawang uri ng compulsory insurance. 'Yung para sa mga bagong OFW na bunga ng naipasang batas, at itong expanded compulsory insurance para sa mga balik-manggagawa at direct hires na nakasaad sa isang lumang department order ng DOLE. 'Yung itinatakda ng batas ay ating patuloy na ipatutupad dahil ito naman ay sagot ng mga foreign employers,” paliwanag ng kalihim.
“Ngunit 'yung expanded na version na itinatakda ng Department Order 228 para sa mga balik-manggagawa at direct hires ay isasantabi muna natin dahil sa kakulangan ng konsultasyon sa mga stakeholders,” dagdag ni Ople.—FRJ, GMA News