Isang Pinay domestic helper sa Riyadh, Saudi Arabia ang tumakas sa kaniyang mga amo matapos na pagtangkaan daw siyang gahasain. Pero binaliktad umano siya at pinalabas na nagnakaw kaya pinaaresto sa mga pulis.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing tumakas ang OFW na itinago sa pangalang "Michelle," dahil pinagtangkaan siyang gahasain ng kaniyang lalaking amo.
Pero inireklamo ng babaeng amo ang OFW na nagnakaw umano ng cellphone at tumakas kaya siya inaresto.
Ipinaliwanag umano ni Michelle na ang sinasabing cellphone ay ibinigay daw ng amo dahil sa kulang ipinasahod sa kaniya.
“Masakit po napahamak nga po siya. Siya na po ang tinangkang gahasain, siya pa po ang nakulong. Ganoon po ba talaga ang batas?” hinanakit ng ina ni Michelle na humihingi ng tulong para sa nakakulong na anak.
Nakarating na raw sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh ang OFW at doon sinundo ng kaniyang agency para papirmahin sa exit visa.
“Ngayon po sa kagustuhan ng anak ko na makauwi na, sumama po siya sa agency. ‘Yun pala noong pipirma na siya ng exit visa noong June 14, dinampot na siya ng mga pulis,” kuwento ng ina ni Michelle.
Humingi na ng tulong ang ina sa Department of Migrant Workers (DMW) at sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs.
Sinabi naman ni DMW Secretary Susan Ople na makikipag-ugnayan sila sa Saudi Arabia Embassy at Labor Attache of Saudi sa Pilipinas para sa naturang kaso ni Michelle.
Ayon kay Ople, nagsimula na rin ang bilateral talks ng Saudi Arabia at Pilipinas.
“Kung muntik na siyang mabiktima ng rape tapos siya pa ang nakakulong ay talaga naman agrabyado ang ating kababayan. We will clarify yung mga katanungan about this case primarily doon sa jurisdiction namin ay paanong napasakamay pa ng Saudi agency kung nandoon naman na sa shelter ng POLO,” anang kalihim.—FRJ, GMA News