Hindi lang ang mga overseas Filipino worker (OFWs) na nakararanas ng pang-aabuso at pagmamalupit sa amo ang nahihirapan sa kanilang sitwasyon sa ibang bansa. Ang kanilang mga kaanak dito sa Pilipinas, labis din na nag-aalala sa kanilang kalagayan pero walang magawa upang matulungan sila.
Sa ulat si Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, ang mga kuwento tungkol sa mga OFW na nagigipit sa abroad, at mga kamag-anak nila sa Pilipinas na hindi malaman kung saan ahensiya lalapit upang idulog ang kalagayan ng kanilang mahal sa buhay na nasa abroad, ang dahilan kaya itinatag ng Deparment of Migrant Workers (DMW) ang One Repatriation Command Center (ORCC).
Maaaring magtungo sa tanggapan ng ORCC ang mga may kamag-anak na OFW na kailangan ng tulong sa office hours ng mula Lunes hanggang Biyernes.
Makikita ang tanggapan sa second floor ng Blas F. Ople Building, EDSA corner Ortigas Avenue.
Puwede ring tumawag sa ORCC hotline na 1348, na bukas 24 oras, o mag-email sa REPAT@DMW/GOV.PH.
Kabilang sa mga lumapit sa ORCC si Nanay Nena, para sa kaniyang anak na OFW na inaabuso at pinagtatangkain pa raw halayin ng kaniyang amo.
Humingi rin ng tulong sa ORCC si Mang Noel, para sa kaniyang asawang OFW sa Saudi Arabia na dalawang buwan na raw niyang hindi nakakausap.
Ayon sa DMW, nasa 11,813 OFWs na nagipit ang na-repatriate noong 2021 ng Overseas Workers and Welfare Administration at Philippine Overseas Employment Administration.
Ang dalawang ahensiya ay nasa ilalim na ngayon ng DMW, mula sa Department of Labor and Employment.
Ngayong taong 2022, sinabing mahigit 7,000 na ang mga OFW na na-repatriate.
Karaniwang dahilan daw kaya umuuwi ang OFW ay ang contract violation, pang-aabuso o pagmamalupit ng amo, hindi pinapasahod, ginagahasa, at nakakasakit.
Ang pinakamalaking bilang ng mga umuwing OFW sa pamamagitan ng repatriation ay nagmumula sa Saudi Arabia, Kuwait, Qatar, Oman at Jordan.
Alamin sa report ni Darlene Cay kung papaano sistema sa pagdulog sa ORCC upang matulungan ang nagigipit na OFW. Panoorin ang video. --FRJ, GMA News